> Nomadic at Puso: Intro

Friday, January 18, 2013

Intro

Jan. 18, 2013

Ako si Alaine at ito ang aking journal.

22 taong gulang at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang masipag na empleyado sa isang malaking kumpanya. Kung gaano siya kalaki, huwag niyo ng itanong dahil malaki talaga.

Matagal ko ng pinag-iisipan ang gumawa ng blog. Sa katunayan, pangatlo ko na ito. Pero lagi ko siyang binubura. Nag-aalangan kasi ako kung dapat ko nga bang isapubliko ang sarili ko at pati na rin ang kathang ginagawa ko.

Pero sa huli, mas nanaig ang mithiin kong maibahagi sa nakararaming tao ang mga ideya, saloobin, adhikain at kung anu-ano pang nilalaman ng puso’t isipan ko.

Kaya eto ako ngayon, nagsusulat at pinapakita sa lahat ng tao na ako ay isang taong nagkukubli sa lahat ng aking mga sulatin.

Bata palang ako, pagsusulat na ang kinahiligan kong gawin. Ikaw ba naman ang may saliwang paa at malapalakang boses eh maghahanap ka talaga ng ibang hilig na pwede ka ring kahiligan.

Sa pagsusulat, natagpuan ko ang tunay na pag-ibig.  Sa edad na limang taong gulang, simula ng ako’y matutong bumasa, mga nobela na ang kinahiligan kong pagpuyatan.
Oo tama ka sa iyong nabasa. Pagpuyatan talaga ang hustong salita. Mga nobelang hindi akma sa edad ko ang aking napagbalingan noon. Kaya naman ng ako’y umapak sa elementarya, pagsusulat ng mga tula at kuwento na ang ginawa kong libangan.

Nagpapasalamat ako sa Diyos sa talentong binigay niya sa akin, (kung talento nga bang matatawag ito) sapagka’t sa pamamagitan ng pagsusulat, nailalabas ko ang lahat ng saloobin ko at may napagbabalingan ang malikot kong imahinasyon.


Ako si Alaine at ito ang aking Journal.




No comments:

Post a Comment

:)